MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na nasa Indonesia pa rin ang na-dismiss na Mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo at hindi pa nagtatangkang umalis ng bansa.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, bukod kay sa pinatalsik na alkalde ng Bamban, nasa Indonesia pa rin ang kapatid ni Guo na si Wesley sa kabila ng impormasyon mula sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na nakaalis na siya ng bansa.
“We are waiting sa confirmation ng Indonesia counterparts natin kung may mga updates po sa biyahe niya,” ani Sandoval.
Ang pangalan ni Guo ay nakalista sa immigration lookout bulletin kasunod ng imbestigasyon sa kanyang tunay na pagkakakilanlan at ang kanyang pagkakaugnay sa mga ilegal na aktibidad ng isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban.
Nauna nang sinabi ng mga awtoridad na umalis si Guo sa Pilipinas noon pang Hulyo 18.
Nitong Huwebes, ipinakita ng PAOCC ang larawan ni Guo sa Kuala Lumpur International Airport noong Hulyo 21.
Samantala, ang mga kasama ni Guo na sina Shiela, kapatid nito, at isang kinatawan ng isa pang POGO firm sa Porac na si Cassandra Li Ong, ay naharang sa Indonesia at naiuwi na sa Pilipinas.
Nabatid na binabantayan ng mga awtoridad ng Pilipinas at Indonesia ang pagpasok ni Guo sa Indonesia simula noong nakaraang linggo.
Kaugnay nito, sinabi ni Interior Secretary Benhur Abalos na ang pagkakahuli sa mga kasama ni Guo, ang kanyang kapatid na si Shiela at Cassandra Li Ong, ay makatutulong sa pag-aresto sa natanggal na alkalde.
Samantala, sinabi ni Sandoval na posibleng lumabas ng Pilipinas ang grupo ni Guo sa pamamagitan ng Sabah, Malaysia dahil base sa mga dokumento, hindi sila dumaan sa mga pormal na paliparan at daungan.
Aniya, mula sa Sabah ay nagpunta ang grupo sa Kuala Lumpur. Pagkatapos ay pumunta sila ng Singapore. Mula doon, ang grupo noong Agosto 18 ay lumipat sa Batam, Indonesia sa pamamagitan ng ferry.
Binanggit ni Sandoval na iniimbestigahan pa rin ng mga awtoridad at binabalikan ang posibleng ruta ng grupo ni Guo. Inaasahang ilalabas naman sa susunod na linggo ang isinasagawang imbestigasyon. JAY Reyes