Guwardiyado ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sina Shiela Leal Guo, kapatid ng sinibak na alkalde ng Bamban, Tarlac; at Cassandra Li Ong na umano'y kasosyo nila sa negosyo, nang ilipat sila sa kustodiya ng dalawang kapulungan ng Kongreso na nag-isyu ng arrest order laban sa kanila. CESAR MORALES
MANILA, Philippines- Hindi magkadugo sina Shiela Guo at dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, na inakala ng publikong magkapatid, napag-alaman ng Senate panel nitong Martes.
Sa pagdalo niya sa Senate subcommittee on Justice na nag-iimbestiga sa pagtakas ni Alice mula sa Pilipinas, isiniwalat ni Shiela na hindi sila magkadugo.
“Si Alice hindi mo sya tunay na kapatid?” tanong ni Sen. Sherwin Gatchalian.
“Hindi po,” tugon ni Shiela.
Sa pagdinig, inamin ni Shiela na siya ay isang Chinese citizen na dumating sa Pilipinas noong siya ay 16 o 17 taong gulang pa lamang upang magtrabaho sa isang embroidery business alinsunod sa kautusan ng kanyang “ama.”
Sinabi niyang si Jian Zhong Guo, ama ni Alice, ay foster father lamang niya sa Pilipinas. Dagdag ni Shiela, isinilang siya sa China at kasalukuyang naninirahan doon ang kanyang ina.
“Hindi ako dito pinanganak. Sa China ako pinanganak,” pahayag ni Shiela.
Aniya pa, pagdating niya sa Pilipinas ay sinabi sa kanyang kapatid niya si Alice.
Nauna nang inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Shiela Guo ay isang Chinese national na nagngangalang Zhang Mier batay sa kanyang Chinese passport.
Mula umano sa kanyang “ama” ang lahat ng kanyang Philippine documents, kabilang ang kanyang birth certificate at passport. RNT/SA