MANILA, Philippines- Hindi ikinatuwa ni dating Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang kalagayan ng imprastruktura sa industriya ng turismo na kailangang magkaroon ng malawakang pagbabago at pagpaunlad.
Nagsagawa ang Senate Committee on Economic Affairs na pinamumunuan ni Zubiri ng pagdinig hinggil sa epekto ng mababang uri ng tourism infrastructure sa ekonomiya ng bansa.
Base sa kanyang personal na karanasan hinggil sa kanyang pagbiyahe sa Siargao, sinabi ni Zubiri na kitang-kita na kulelat ang bansa sa turismo kumpara sa ibang bansa sa Southeast Asian.
Ayon kay Zubiri, patuloy na naranasan nito ang kawalan ng sapat na suplay ng kuryente sa Siargao, na itinuturing na isa sa top tourist destinations sa bansa.
Sinabi ni Zubiri na umabot lamang sa 40 megawatts ang suplay ng kuryente sa Siargao pero 50 megawatts ang kailangan ng lugar kada buwan.
“There is a 10 megawatt deficit causing power interruptions in the island,” ani Zubiri.
“I think that is what we need to address as a national government. Kasi nakakahiya (sa mga foreign tourists),” dagdag niya.
Binanggit din ni Zubiri na masyadong maliit ang paliparan sa Siargao para sa dayuhang manlalakbay kaya kailangan nilang umupo sa sahig ng lugar.
Ikinumpara ni Zubiri ang ilang destinasyon sa Southeast Asia sa Phuket sa Thailand at Siem Reap sa Cambodia, na may mas maganda ang pasilidad.
Nilinaw naman ng senador na layunin ng pagdinig na maunawaan ang sitwasyon ng turismo sa na maaaring tugunan sa mas epektibong pamamaraan.
Bukod dito, binanggit din ng mambabatas ang mahinang internet connectivity at kakapusan ng suplay ng tubig na dapat tugunan.
“Ang hina ng inernet kailangan ko pa pumunta sa beach (para makapag-internet!). Sa ibang bansa 24/7 ang connectivity,” ani Zubiri.
“We want to see the data so the government can inform the private sector and the potential investors,” dagdag niya.
Dahil dito, hiniling ni Zubiri sa Department of Tourism hinggil sa bilang ng tourist arrivals pagkatapos ng pandemya.
Inihayag ni Tourism Undersecretary Shahlimar Hofer Tamano na inaasahang aabot sa 6 milyong turista ang darating sa Pilipinas, na nitong Agosto 19, umabot na sa 3.8 milyong turista.
Pero, sinabi ni Zubiri na lubhang mababa ang bilang o aabot lamang sa 10% ng turistang pumunta sa Thailand.
Tinukoy din ng senador ang 8.6% kontribusyon ng turismo sa ekonomiya ng Pilipinas na masyadong maliit, na doble sa ibang bansa.
“We’re here to help you, hopefully we can give you a new airport so we can have more tourists,” ani Zubiri.
“Let’s not wait for 20 years. We hope we can expedite, not wait two decades to get all these facilities,” pahayag pa niya.
Samantala, sinabi naman ni Senador Bato Dela Rosa na maraming resorts ang itinatayo sa ilang bahagi BaSulTa (Basilan, Sulu, Tawi-tawi) region, na nagpapakita ng paglago ng turismo sa lugar. Ernie Reyes