Sinabihan ni Los Angeles Lakers superstar Lebron James ang kanyang anak na si Bronny na huwag siyang tatawaging “dad” kapag naglalaro na sila sa susunod na season.
Magkasamang maglalaro ang mag-ama sa Los Angeles Lakers matapos kunin ng team ang batang James bilang No.55 overall pick sa 2024 NBA draft.
Ayon sa ulat, ito ang unang pagkakataon sa NBA may mag-amang maglalaro sa isang team.
Sinabi ni LeBron, na hindi siya maaaring tawaging ‘dad’ ng kanyang anak kapag nasa court na ang mga ito at naglalaro laban sa mga NBA team.
Pero, kapag nasa labas na umano sila ng NBA facilities at isinara ang pintuan, balik na uli siya bilang kanyang ama, mula sasakyan hanggang pagbalik sa kanilang bahay.
Pabirong sinabi ni LeBron na pwede siyang tawagin ni Bronny na ‘2-3’, ‘Bron’, o kung hindi man ay ‘GOAT’.
Mariing sinabi ng 4-time NBA champion na ayaw niyang tumatakbo sila sa court at biglang maririnig si Bronny na tumatawag sa kanyang Dad habang hinihingi ang basketball.
Magiging ika-21 season ni LeBron ang 2024-2025 season sa NBA. Matatandaang pumirma si LeBron ng $104 million kontrata para sa dalawang taon sa Lakers.
Pumirma rin si Bronny ng apat na taong kontrata na nagkakahalaga ng $7.9 million.