Home NATIONWIDE Panukalang career development ng public school teachers pasado na sa Kamara

Panukalang career development ng public school teachers pasado na sa Kamara

MANILA, Philippines- Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives ang House Bill (HB) No. 10270 o Career Progression System for Public School Teachers Act na naglalayong magtatag ng career progression system para sa primary, secondary, ar senior high public school teachers.

Nasa 197 mambabatas ang bumotong pabor sa pagpasa ng panukala na iniakda nina Tingog Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre gayundin ni dating Batangas Rep. Ralph Recto na ngayon ay kalihim ng Department of Finance (DOF).

Sa ipinalabas na pahayag ni House Speaker Martin Romualdez, sinabi nito na ang pagpasa sa panukala sa Kamara ay patunay ng kanilang hangarin na maitaas ang antas ng pagtuturo ng mga guro sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng malinaw na promotion system.

“Nagagalak tayo at naipasa natin ang panukalang ito na magsusulong ng kapakanan ng halos isang milyong mga guro sa ating public schools. This measure is proof that we are one with the administration of President Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr. in advancing the welfare of all sectors of society,” pahayag ni Romualdez.

Sa panig naman ni Rep. Yedda, sinabi nito na umaasa siyang agad na aaksyon ang Senado para maipasa ang panukala na para sa kapakanan ng mga guro.

“We hope that once enacted into law, this measure will further motivate our public school teachers to strive for excellence in teaching the country’s next generations and reward their efforts,” ani Rep. Yedda, ang maybahay ni Speaker Romualdez.

Sa oras na maisabatas ito ay aatasan ang Department of Budget and Management (DBM) na bumuo ng limang bagong posisyon at magtakda ng salary grade para sa Teacher IV, V, VI, VII at Master Teacher V.

Ang mga guro ay maaaring -ipromote base sa resulta ng kanilang Comprehensive Performance Assessment kung saan kabilang dito ang merit, fitness at competence.

Sa oras na maisabatas ay magiging pantay-pantay na ang promosyon ng mga guro at hindi na iaayon base sa kung may bakanteng posisyon. Gail Mendoza