MANILA, Philippines- Napauwi na ng gobyerno sa bansa ang 52 sa 75 Pilipinong biktima ng human trafficking sa Laos, sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Usec. Bernard Olalia noong Miyerkules.
Ayon sa opisyal, kinukuha na ng DMW ang affidavits ng mga biktima upang matukoy ang mga indibidwal na ilegal na nag-recruit sa kanila sa Laos at nagtrabaho para sa sindikato.
Sinabi ng DMW na sa modus operandi ay aalukin ang mga biktima ng maging costumer service relations officer sa bansang Laos ngunit pagdating doon ay gagawing miyembro ng sindikato.
Nauna nang humingi ng tulong ang DMW sa Department of Justice sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga recruiter ng mga Pinoy na naaresto sa isang cyber scam network sa Laos.
Idinagdag nito na nakikipag-ugnayan na sila ngayon sa Department of Foreign Affairs sa crackdown ng mga kompanya sa loob ng Golden Triangle Special Economic Zone sa Bokeo, Laos, na pinaghihinalaang hub ng ilegal na aktibidad nitong mga nakaraang taon.
Bukod sa legal assistance, nagbigay din ang departamento ng psychosocial service at financial support sa repatriated OFWs.
Ngunit sinabi ng DMW na magbibigay din ito ng mga referral sa mga nais pa ring ituloy ang karera sa ibang bansa.
Pinayuhan ng ahensya ang publiko na maging maingay sa recruitment o job offers abroad sa pagberipika sa pamamagitan ng kanilang DMW website. Jocelyn Tabangcura-Domenden