MANILA, Philippines – Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa mga nagbibigay ng suporta sa Office of the Vice President (OVP) na ibigay na lamang ito sa mga residenteng apektado ng Tropical Storm Enteng.
Sa pahayag, sinabi ni Duterte na bagama’t natutuwa siya sa suportang ito mula sa ilang indibidwal, mas mainam na isaprayoridad ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya o ang mga komunidad na naapektuhan ng bagyo.
“Subalit sa pinsalang dala ng bagyong ‘Enteng’, hinihikayat namin na kung may nais kayong i-donate, nawa’y ito’y ibigay na lamang sa mga kapwa nating kababayan na kasalukuyang lubos na naapektuhan ng pag-ulan at pagbaha. Malaking bagay ang anumang tulong upang maibsan ang kanilang pinagdadaanan at makabangon muli,” ani Duterte.
“Kasabay pa nito, sa kabila ng pagtaas ng presyo ng mga pagkain at iba pang pangunahing bilihin, nais rin naming ipabatid na higit na mahalaga ang unahin ninyo ang inyong mga sariling pangangailangan at ang kapakanan ng inyong pamilya,” dagdag pa niya.
Kasalukuyang ginigisa sa Kongreso ang proposed P2.037 bilyong budget ng OVP para sa susunod na taon.
Sa Senado, ipinunto ni Senador Risa Hontiveros na malaking bahagi ng badyet ng OVP para sa operasyon nito ay nakalaan sa paghahatid ng socio-economic programs katulad ng medical at burial assistance, disaster operations, food bags para sa ilang pamilya, at livelihood assistance na kapareho na ng mga umiiral na programa sa ilang ahensya ng pamahalaan.
Samantala, ipinagpaliban ng Committee on Appropriations sa Kamara ang deliberasyon para sa 2025 budget ng OVP dahil sa hindi pagsagot ni Duterte sa mga tanong kung paano ginagamit ng kanyang opisina ang badyet. RNT/JGC