Home HOME BANNER STORY Higit 200 Chinese ships namonitor sa WPS

Higit 200 Chinese ships namonitor sa WPS

91
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Martes, Setyembre 3 na namonitor nila ang kabuuang 203 barko ng China sa West Philippine Sea (WPS) sa nakalipas na linggo.

Ito na ang pinakamataas na bilang ng mga barko ng China na naitala ngayong taon.

Mula Agosto 27 hanggang Setyembre, kabuuang 165 Chinese maritime militia (CMM) vessels, 24 China Coast Guard (CCG) vessels, 12 People’s Liberation Army Navy (PLAN) ships, at dalawang research vessels ang namataan sa lugar.

Nakitaan din ng mga barko ng China ang ilang WPS features:

Bajo de Masinloc – anim na CCGs, isang PLAN, walong CMMs, isang research vessel
Ayungin Shoal – walong CCGs, isang PLAN, 17 CMMs
Pagasa Islands – isang CCG, isang PLAN, 50 CMMs
Kota Island – isang CMM
Rizal Reef – isang research vessel
Escoda Shoal – siyam na CCGs, siyam na PLANs, 53 CMMs
Iroquois Reef – 36 CMMs

Karamihan sa mga barko ng China ay namataan sa Escoda Shoal.

Nitong Sabado, iniulat ng pamahalaan na sadyang binangga ng barko ng CCG ang BRP Teresa Magbanua ng Philippine Coast Guard sa Escoda Shoal.

Noong Agosto 26 naman, hinarang ng mga barko ng CCG ang dalawang barko ng PCG na nasa rotation at reprovisioning mission sa BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal.

At isang araw bago nito, binangga rin ng CCG at ginamitan pa ng water cannon ang BRP Datu Sanday ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources malapit sa Escoda Shoal.

Marami pa ang mga naitalang insidente sangkot ang China at Pilipinas sa WPS sa mga nakalipas na linggo at buwan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here