MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go, vice chairperson ng Senate committee on national defense, ang kritikal na pangangailangan na lalo pang palakasin ang mga hakbang tulad ng Balik-Loob Program sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ginawa ni Go ang pahayag matapos maghatid ng mga tulong ang kanyang Malasakit Team sa mga residente ng Mapanas, Northern Samar.
Sinabi ni Go na sa pamamagitan ng pagpapatibay sa NTF-ELCAC, mapabibilis ang pag-unlad sa mga apektadong lugar at mababawasan ang kahirapan, maging ang impluwensya ng mga rebeldeng grupo sa komunidad.
Sa pamamagitan din aniya ng pagsisikap na ito, mauudyukan ang mga rebelde na bumalik sa pangunahing lipunan kung kaya maiiwasan ang mga pagkakataon na panloob na alitan sa pagitan ng mga Pilipino.
“Ayaw po natin na ‘yung Pilipino ay nakikipagpatayan sa kapwa Pilipino. Kapag may sundalong namamatay, nauulila po ang mga anak. Kapag may rebeldeng namamatay, kawawa rin ang pamilya. Sobrang sakit po sa dibdib,” sabi ni Go.
Sa kanyang pagsisikap na suportahan ang mga apektadong komunidad ng kaguluhan, ang Malasakit Team ni Go ay namahagi ng mga grocery packs, meryenda, kamiseta, basketball, at volleyball sa 200 pamilyang nagtipon sa Mapanas Municipal Grounds. Binigyan din ng mga laruan ang mga batang naroroon.
Sa pamamagitan ng Retooled Community Support Program (RCSP), ang Office of Civil Defense Region 8 sa pamumuno ni Regional Director PBGen. Reynaldo Pawid ay pinangunahan ang isang Serbisyo Caravan. Nagkaloob sila ng iba’t ibang serbisyo sa mga residente, tulad ng medical at legal aid, libreng gupit, school supplies sa mag-aaral, at iba pang pangangailangan.
Ang RCSP ay programang tumutugon sa mga isyung tinukoy ng mga komunidad mismo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga proyekto ng pamahalaan. Tinitiyak din nito mapapanatili ang pag-unlad at kapayapaan sa mga komunidad.
Bilang chairperson ng Senate committee on health, hinimok ni Go ang mga residente na gamitin ang mga serbisyo ng Malasakit Centers, tulad ng nasa Northern Samar Provincial Hospital sa Catarman para sa pangangailangang tulong-medikal.
Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop kung saan ang mga kinauukulang ahensya ay nagtutulungan upang ang mga mahihirap na pasyente ay maisalba sa mga singilin sa ospital. Pangunahing inakda at itinaguyod ni Go ang Republic Act No. 11463, na matagumpay na nag-institutionalize ng Malasakit Centers program. Mayroong 166 Malasakit Centers, na nakatulong na sa humigit-kumulang 10 milyong Pilipino sa buong bansa. RNT