MANILA, Philippines – Patay ang isang 32 na lalaki matapos umanong mahulog nang mawalan ng balanse dahil sa malakas na hangin habang nasa ibabaw ng container van sa Tondo, Manila.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD) kinilala ang biktima na si Randy Transmanio, residente ng Birthday Blvd. South, Navotas City.
Nangyari ang insidente Huwebes ng tanghali, Setyembre 5 sa loob ng Brightpoint Logistics Corporation na matatagpuan sa Manila Harbor Center Brgy. 128, Tondo, Manila.
Sa isinagawang imbestigasyon, na habang ginagampanan ng biktima ang kanyang tungkulin bilang isang tauhan ng load container yard, siya ay nasa ibabaw ng container van na tumutulong sa crane para maalis sa pagkakaayos.
Dahil sa masamang panahon at lakas ng hangin na humihip sa container, ang biktima ay nawalan ng balance dahilan para siya ay bumagsak sa semento.
Kasunod nito, agad na isinugod ang biktima sa Tondo Medical Center para sa agarang atensyong medikal pero idineklara itong dead on arrival. Jocelyn Tabangcura-Domenden