Home NATIONWIDE Bicam report ng Basic Education Mental Health, pinagtibay ng Senado

Bicam report ng Basic Education Mental Health, pinagtibay ng Senado

MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Senado ang bicameral conference committee report hinggil sa pagtataguyod ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act sa bawat paaralan sa buong bansa upang palakasin ang serbisyo sa mental health.

Sa pahayag, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian, awtor at isponsor ng Senate Bill No. 2200, na nakalikha ang mahalagang panukala sa pagpapalaikas ng implementasyon ng umiiral na mental healt at guidance counseling program sa pagtatayo ng school-based mental health program.

Isusulong ng panukalang programa ang pagpapalawak ng kaalaman sa mental health, pagtutok sa mental health concerns ng mga mag-aaral, at pagpapaigting ng hakbang ng lahat ng paaralan upang mapigilan ang pagtaas ng insidente ng suicide.

Magiging bahagi ng programa ang screening, evaluation, assessment, at monitoring; mental health first aid; crisis response at referral system; mental health awareness at literacy; emotional, development, at mga preventive programs; at iba pang support services.

Itinakda sa panukalang batas ang pagtatayo ng Mental Health and Well-Being Office sa bawat School Division Office na pamumunuan ng isang Schools Division Counselor na dapat ay isang Registered Guidance Counselor o Registered Psychologist.

Magkakaroon naman ng Care Center ang bawat pampublikong paaralan upang magbigay ng mental health services sa lahat paaralan.

Pamumunuan ang Care Center ng isang School Counselor na katuwang ang isang School Counselor Associate. Ang mga posisyon ng School Counselor I to IV, School Counselor Associate I to V, at Schools Division Counselor ay bagong posisyon na nilikha sa ilalim ng naturang panukala upang punan ang kakulangan ng guidance counselor sa mga pampublikong paaralan.

“Kasabay ng pag-angat natin sa kalidad ng edukasyon sa bansa ang pagtiyak na tinutugunan natin ang mental health ng ating mga mag-aaral,” ani Gatchalian, may akda at sponsor ng panukalang batas.

Pinasalamatan naman ni Gatchalian ang mga co-author at co-sponsor ng panukalang batas sa kasalukuyang Senado.

“This program seeks to promote and ensure the mental health and well-being of all learners in public and private basic education schools across the country,” ayon kay Gatchalian. Ernie Reyes