MANILA, Philippines- Ipinasara ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) ang isang fuel refilling station sa Valenzuela City matapos itong mapag-alamang nagbebenta ng “unmarked fuel” na nagkakahalaga ng P3.1 milyon.
Sa pahayag ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) ng BOC, isinagawa ang operasyon nitong Setyembre 5 sa isang fuel refilling station sa Ugong, Valenzuela City, makaraang matuklasan ng mga operatiba na tatlo sa apat na tangke ng nasabing gasolinahan ang nabigo sa fuel mark test na isinagawa ng ahensya at mga ahente ng Enforcement Group-Fuel Marking.
Ayon sa opisyal ng BOC, tumuloy ang mga ahente sa fuel refilling station para magsagawa ng “Chain of Custody Activities,” na kinabibilangan ng pagmamarka, pagsa-sample, at pagsubok ng mga gasolina mula sa pinanggalingan, carrier vehicle/vessel, at destination retail/ mga istasyon ng gasolina o imbakan.
Ipinaliwanag ng direktor ng BOC-CIIS na ang mga walang markang gasolina, o ang kakulangan ng opisyal na marker ng gasolina, ay nagpapahiwatig ng kakulangan ng mga kinakailangang tungkulin at buwis.
Nabatid na ginagamit ang mga fuel marker upang magarantiya ang integridad ng produkto at maprotektahan laban sa pamemeke at pandaraya sa buwis.
Nabatid sa BOC na ang una hanggang ikatlong fuel tank na nabigo sa fuel mark testing ay naglalaman ng 19,196 litro ng premium na gasolina, 18,680 litro ng unleaded na gasolina, at 19,098 litro ng pinaghalo na diesel.
Sa ika-apat na tangke na sumailalim sa pagsusuri, ito lamang ang mayroong 4,000 litro ng pinaghalo na diesel, ang pumasa sa fuel marking test.
Ang mga sample ng gasolina ay sasailalim sa confirmatory testing ng SGS Main Laboratory. JAY Reyes