Home NATIONWIDE BI kumpiyansang malapit nang maaresto si Wesley Guo

BI kumpiyansang malapit nang maaresto si Wesley Guo

MANILA, Philippines- Naniniwala ang Bureau of Immigration (BI) na malapit nang madakip ng mga awtoridad ng Indonesia si Wesley Guo, ang umano’y kapatid ng pinatalsik na alkalde ng Bamban na si Alice Guo.

Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval nitong Biyernes, si Wesley ay walang travel records sa labas ng Indonesia at ipinapalagay na nananatili sa loob ng bansa.

Noong nakaraang Huwebes, sinabi ng BI na hinahanap ng mga awtoridad ng Indonesia si Wesley. Sinabi ni Sandoval na ang kanilang  counterparts sa Indonesia ay napakalaki ang naitulong kasunod ng pag-aresto kay Alice Guo sa Tangerang City noong Miyerkules ng umaga. Ang dating alkalde ay iniuwi sa Pilipinas noong Biyernes ng madaling araw.

Matagumpay din ang mga awtoridad ng Indonesia sa paghuli kay Alice at Wesley na inaakalang kapatid nina Shiela Guo, at kasama nitong si Cassandra Li Ong sa Batam City noong Agosto.

Nauna nang nabanggit ng abogadong si Stephen David, legal counsel ni Guo, na sinabi ni Wesley na gusto niyang sumuko. Gayunman, hindi alam ng kanilang kampo ang kanyang kinaroroonan.

Nauna nang sinabi ng mga awtoridad na si Wesley, na kabilang sa mga personalidad na inutusang arestuhin ng Senado, ay nagtangkang lumipad patungong Hong Kong noong huling linggo ng Agosto.

Ayon kay Shiela, umalis siya ng Pilipinas kasama sina Alice at Wesley sa pamamagitan ng tatlong sakay ng bangka papuntang Malaysia. Mula doon, lumipad sila patungong Singapore pagkatapos ay pumunta sa Batam, Indonesia sa pamamagitan ng ferry. Sinabi ni Shiela na humiwalay siya ng landas kina Wesley at Alice sa Batam, Indonesia kung saan naaresto sila ni Cassandra Li Ong.

Ayon kay Shiela, si Ong ang awtorisadong kinatawan ng Lucky South 99, isang ni-raid na POGO hub sa Porac, Pampanga. Si Ong ay kasintahan umano ni Wesley. JAY Reyes