TIYAK na tuluyang kakalat nang kakalat ang flood control scandal makaraang pormal na magtestigo ang 18 Marines at sundalo nitong Hunyo 4, 2026.
Hindi lamang sa hanay ng mga nakapanood sa aktuwal na imbestigasyon dito sa Senado kundi maging sa mga kaibigan, kakilala at kamag-anak ng mga naroon.
Sa rami ba naman ng mga marites sa Pinas.
Buong mundo ang tuluyang makaaalam sa pinakamalaking nakawan sa pondong bayan na nagkakahalaga ng nasa P1.3-P1.7 trilyon.
Magpapatuloy na susubaybay ang mundo sa nakawan na nasimulan nang ibuking ni Senator Imee Marcos ang pagiging adik ng kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos sa isang dambuhalang pagtitipon sa Rizal Park noong Nobyembre 17, 2025.
Isa sa mga palatandaan ng pagsabog o pagkalat ng balita ang pagkansela na mismo ng United States sa diplomatic at passport visas ni dating Speaker Martin Romualdez.
Naganap ito isang araw o Hunyo 5, 2026 makaraan ang pagpapakita ng 18 sundalo sa Senado nitong Hunyo 4 para sa nasabing imbestigasyon.
PINOY AT DAYUHAN
Kapag sinasabi nating kalat na kalat at lalong kumakalat ang iskandalo, hindi lang natin tinutukoy ang hanay ng mga Filipino.
Nasa 12 milyong Pinoy ang nasa labas ng bansa na lumalabas na may real time na balita ukol sa iskam na hindi lang simula noong magkaroon ng imbestigasyon sa Senado sa ilalim ni Senate Blue Ribbon Chairman sub-committee chairman Sen. Rodante Marcoleta na sinamahan nina SBRC chairman Sen. Pia Cayetano, Sen. Imee Marcos, Sen. Robin Padilla, Senate President Alan Peter Cayetano.
Ang ibang mga bansa, ibang mga dayuhan, alam na alam din nila ang nagaganap.
Bukod sa pagkansela ng US sa diplomatic at tourist visa ni Romualdez, natalo rin ang Pinas sa kandidatura nito na katawanin ang Asia-Pacific Region sa United Nations Security Council.
Akalain mo, 49 lamang ang botong nakuha ng Pinas habang nakuha ng Kyrgyztan ang 142 boto.
Inamin mismo ng Malakanyang, sa anunsyo ni Palace Press Officer Claire Castro, na ang kaguluhan at ingay sa Senado na nag-ugat sa flood control scandal ang dahilan ng pagkatalo ng Pinas.
Dito, hindi lang daang ibang bansa o dayuhan kundi daan-daang milyon dayuhan ang nakaaalam sa mga nagaganap.
INTERNATIONAL MEDIA AT PROTESTA
Walang boundary ang internet na daluyan ng mga balita.
Sa internet ipinalalabas ng mga lokal at international media na nakaistasyon sa Pilipinas ang mga balita.
May iba pang mga international media sa ibang mga bansa na nagbabalita rin gaya ng mga diaryo at social media sa Japan na kumober sa mga protesta laban kay Pangulong Bongbong kamakailan dahil din sa flood control scandal.
Naririyan din ang mga international media ng mga grupong panrelihiyon na may mga sangay sa iba’t ibang bansa.
Ganyan katindi kung paano kumakalat ang mga balita sa kabulukan sa Pilipinas.
At nakatatakot isipin ang mga ibinubunga nito gaya ng pagtumal ng pamumuhunan ng mga dayuhan sa bansa sa kapital man o sa pagtatayo ng mga pagawaan na sana’y makatulong laban sa kawalan o kakulangan ng empleyo sa bansa at puhunan para sa mga programang pambayan.






