MANILA, Philippines- Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia nitong Huwebes, Setyembre 12, na ang unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay itutuloy sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema (SC) na hindi isama ang Sulu.
Ayon kay Garcia, ang Comelec en banc ang magdesisyon kung itutuloy ang halalan sa Bangsamoro kahit pa wala ang Sulu.
Ipinaliwanag ni Garcia na magpapatuloy sila sa BARMM elections dahil naisip na ng poll body kung paano ito gagawin.
Sinabi rin niya na ang mga botante sa 2025 BARMM elections ay tatanggap ng dalawang balota: ang isa ay para sa pagpili ng isang kinatawan ng distrito at ang isa ay para sa pagpili ng kanilang pinapaboran na partidong pampulitika.
Nagpasya ang SC na ang lalawigan ng Sulu ay hindi bahagi ng BARMM dahil tinanggihan ng mga residente nito ang ratipikasyon ng BARMM organic law noong plebisito.
Sa pagbubukod ng Sulu, ang BARMM ay binubuo na ngayon ng mga lalawigan ng Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, at Tawi-Tawi.
Kaugnay nito, naglabas ang Comelec ng resolusyon na nag-aamyenda sa kalendaryo ng mga kaganapan kaugnay ng halalan sa BARMM.
Sa ilalim ng Resolution 11051, ang Certificate Of Candidacy (COC) para sa District Representative sa BARMM Parliament ay ihahain sa Nobyembre 4, 2024 (Lunes) hanggang Nobyembre 9, 2024 (Sabado), mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon sa Bangsamoro Electoral Office (BEO) sa pamamagitan ng Office of the Provincial Election Supervisor (OPES). Jocelyn Tabangcura-Domenden