MANILA, Philippines – Itinanggi ng isang babaeng nagtatrabaho para kay Alice Guo na ‘body double’ siya ng dating alkalde.
Sa ulat, sinabi ni alyas “Cath” sa mga opisyal ng National Bureau of Investigation nitong Biyernes, Setyembre 13 na nais niyang linisin ang kanyang pangalan at dahil sa takot na rin sa kanyang seguridad.
“Lumabas kasi sa TV na ako raw yung doppelganger ni mayora. Hindi po, hindi po talaga,” ani Cath.
Dagdag pa niya, isang beses lamang siyang umalis kasama si Guo bilang sekretarya ng farm na pagmamay-ari umano ng dating mayor.
Matatandaan na sinabi ni Atty. Elmer Galicia na nakita niya ang isang babaeng kamukha ni Guo sa loob ng isang puting SUV nang magpanotaryo ito para sa counter-affidavit sa human trafficking complaint noong Agosto 14.
Itinanggi ni Cath na siya ang babaeng ito.
Samantala, kinilala naman ni Guo na si Cath ay empleyado niya.
Tumanggi ang babae na ilagay sa protective custody ng NBI at piniling bumalik sa Bamban bago ang kanyang pagharap sa Senado. RNT/JGC