MANILA, Philippines – Naglunsad na ang Philippine National Police (PNP) ng pinaigting na manhunt para kay dating presidential spokesperson Harry Roque matapos itong i-cite for contempt ng Kamara sa umano’y kaugnayan nito sa illegal na Philippine offshore gaming operators (POGOs).
Ilang beses nang inisnab ni Roque ang pagpapatawag sa kanya ng joint House panel para imbestigahan ang naturang isyu.
Si Roque ay naglingkod bilang tagapagsalita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Dahil sa pagtangging makipagtulungan ay kinailangan nang mag-isyu ng arrest warrant ang mga awtoridad. Hindi na naabutan ng mga ito si Roque sa kanyang opisina sa Makati na nagpaugong ng usapin na posibleng sinusubukan na nitong takasan ang kanyang pananagutan na makipagtulungan sa pamahalaan.
“The PNP is now fully engaged in the manhunt for Atty. Harry Roque,” sinabi ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez, co-chair ng Quad Committee.
“We are working closely with law enforcement agencies to ensure his swift apprehension. No one is above the law.”
Si Roque ay inakusahan na may hawak ng mga dokumento, kabilang ang kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth, at rekord na may kaugnayan sa kanyang family business na Biancham Holdings.
Ang mga rekord na ito ay magbibigay ng kaliwanagan sa umano’y kaugnayan nito sa Lucky South 99, isang POGO hub sa Porac, Pampanga, na iniimbestigahan dahil sa illegal na operasyon.
Nagpadala na ng pulis sa huling natukoy na lokasyon ni Roque sa Antel Corporation Centre sa Makati, bagama’t hindi pa rin tukoy kung nasaan talaga ito.
Nakikipag-ugnayan na ang PNP sa iba pang ahensya ng pamahalaan para tugisin si Roque na pinaniniwalaang nagtatago na.
Ani Rep. Robert Ace Barbers of Surigao del Norte, pinuno ng House Committee on Dangerous Drugs, na ang mahigpit na pagtanggi ni Roque na makipagtulungan at pagtatago ay nagpapataas lamang ng hinala ng kaugnayan nito sa POGO industry.
“His evasion deepens the doubts surrounding his involvement,” ani Barbers.
Sa nagdaang pahayag, sinupalpal ni Roque ang imbestigasyon ng joint panel na tinawag niyang “kangaroo court” at nanindigang hindi ito lalahok. RNT/JGC