NANAWAGAN si Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Housing Authority (NHA) na magkaisang tulungan ang halos 2,000 pamilya na nawalan ng tirahan sa malaking sunog na naganap sa Tondo nitong Sabado ng tanghali.
Ayon kay Revilla, bukod sa ayuda ng DSWD sa 1,950 pamilyang nasunugan sa Barangay 105, Mel Lopez Blvd., Aroma St. sa Tondo, kailangang tugunan agad ng NHA ang kanilang pangangailangan upang mabigyan sila ng pabahay sa lalung madaling panahon.
Nabatid sa Senador na may opisyal na silang kahilingan, gayundin ang tanggapan ni Cong. Lani Mercado sa dalawang ahensiya ng pamahalaan, dahil kailangan aniya ang pagtutulungan sa mga ganitong sitwasyon, hindi lamang sa mga nasunugan sa Tondo kundi maging sa kanilang lugar sa Bacoor, Cavite.
Ginawa ang panawagan ni Revilla kasabay ng pagdalaw nilang mag-asawa na si Congresswoman Lani Revilla sa libo-libo katao na pansamantalang nanunuluyan sa Vicente Lim Elementary School at sa dalawang covered court ng Brgy. 105 at 106 sa Tondo, Manila na pansamantalang ginawang evacuation center ng mga nabiktima ng sunog.
Giit ni Revilla, matagal na umano nilang ginagawang mag-asawa ang pagtulong sa mga nangangailangang kababayan kasabay ng panawagan na huwag itong bigyan ng kulay pulitika.
“Ito ang tamang panahon ng pagbabayahihan, magtulong-tulong at magsama-sama tayo para makatulong sa mga kababayan natin, isantabi na muna natin ang politika,” pahayag pa ni Sen. Revilla.
Ayon pa kay Revilla, bukod sa ipinamahagi nilang mga pagkain, relief goods, at galon-galong mineral water, sa mga biktima ng sunog ay inaayos na rin ng kanyang tanggapan ang tulong pinansiyal na kanyang ipamamahagi sa bawa’t pamilyang nawalan ng tirahan. RNT