MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Kamara nitong Biyernes, Setyembre 20 ang hiling na P167 milyong badyet ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para sa taong 2025.
Sa kabila nito ay pinasusuri ng mambabatas ang kapangyarihan at mandato ng ahensya.
Kasabay ng House plenary deliberations para sa proposed badyet ng MTRCB, inihayag ni Gabriela party-list Representative Arlene Brosas ang isyu tungkol sa documentary film na “Alipato at Muog” na inisyal na binigyan ng X-rating.
Ang “Alipato at Muog” ay isang independent documentary film na nagsasalaysay sa mga katotohanan patungkol sa pagdukot sa aktibistang si Jonas Burgos noong 2007.
Si Jonas ay ang kapatid ni JL Burgos na siyang direktor ng naturang documentary film.
Matapos ang ikalawang pagsusuri ng five-member board committee ng MTRCB ay nabigyan na nito ng R-16 classification ang “Alipato at Muog.”
“Bagamat ni-reclassify ito to R-16, kinailangan pa magprotesta ng pamilya ni Jonas Burgas at kanilang mga taga-suporta. Bakit unang na-classify as X-rated?” tanong ni Brosas.
Idinepensa naman ni Bacolod Representative Greg Gasataya, vice chairman ng House Appropriations panel at sponsor ng panukalang badyet ng ahensya, na tanging tatlo lamang sa board members ng MTRCB ang dumalo sa inisyal na pagsusuri ng pelikula.
“Honorable speaker, they were looking at a case in which its certifications have not yet been (finalized). To avoid the sub judice rule, they made the classification, although, after the second review, where the agency has secured the certification to the Court of Appeals, there are no more pending cases. They classified it to R-16,” ani Gasataya.
Dahil dito ay kinwestyon ni Brosas ang umano’y inconsistency sa mga miyembro ng ahensya.
Dagdag pa, pinanood ng mambabatas ang pelikula at ito ay isang non-fiction na nagpapakita ng paghahanap ng katotohanan at ang pagluluksa ng Burgos family.
“Pati ang mga ebidensya na pinresenta nila sa korte. Kaya nakakapagtaka ‘yung X-rated nito. Is the initial X-rating sujective and inconsistent in the Board’s decision-making processes? Pero kung sinsasabi niyo na sub judice rule nga, even na gano’n, facts lang naman ang nilalatag sa film itself,” giit ni Brosas.
Dahil dito ay nagbigay ng suhestyon ang mambabatas na dapat nitong suriin ang mandato at kapangyarihan sa pagkaklasipika ng mga pelikula.
“We have a suggestion na kung maaaring i-review na talaga ang mandate at powers ng MTRCB kasi hindi ito maaaring maging hadlang sa pagpapakita ng katotohanan, lalo na’t mahalaga ang papel ng mga pelikula, dokumentaryo at iba pa sa pagpapakita ng kalaayan ng ating lipunan,” aniya.
Pumayag naman ang MTRCB sa pamamagitan ni Gasataya bilang budget sponsor nito, na napapanahon na nga para isagawa ang ganitong pagsusuri.
“We join the manifestation, the agency takes note of it. And we believe that indeed its timely to review the charter of the MTRCB, which was approved in 1985,” ani Gasataya. RNT/JGC