COTABATO- Kritikal sa ospital ang isang ama matapos hatawin ng kahoy ng sariling anak na lango sa alak, kagabi sa bayan ng Midsayap.
Inoobserbahan ngayon sa ospital ang biktima na kilala sa pangalang alyas Eddie habang nadakip naman ang suspek at anak nito na kilala sa alyas Balong, kapwa residente ng Barangay Bual Norte, Midsayap, Cotabato.
Batay sa report ng Midsayap Municipal Police Station, bandang alas-9 ng gabi ay nagkaroon ng pagtatalo ang mag-ama sa loob ng kanilang bahay.
Hindi nagpatalo ang anak (suspek) dahilan para kumuha ito ng matigas na kahoy at pinagpapalo ang ama sa iba’t ibang parte ng katawan.
Mabilis namang rumesponde ang mga awtoridad sa nasabing lugar at naabutang duguan ang ama na agad dinala sa ospital para lapatan ng lunas.
Kasalukuyang nakakulong sa lock-up facility ng Midsayap Police Station ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.
Sa pahayag ng naturang barangay, madalas umanong naghahanap ng gulo ang suspek tuwing ito ay lango sa alak. Mary Anne Sapico