COTABATO CITY- Kulungan ang kinasadlakan ng limang babae na umano’y drug dealer matapos madakip ng mga awtoridad sa isinagawang entrapment operation at makuhanan ng P680,000 na halaga ng shabu kahapon sa lungsod na ito.
Kinilala ni Gil Cesario Castro, direktor ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang mga suspek na sina Salama Karim Dimalen, Jasmin Dimalen, Mali Omar Ukas, Iran Ukas at Baican Ukas Omar, lahat ay taga-Barangay Bagua 3, Cotabato City.
Batay sa report ng PDEA-BARMM, hapon noong Biyernes, Setyembre 27, 2024, inilatag ang operasyon laban sa mga suspek sa Mabini Street, ng nasabing barangay.
Habang nasa gitna ng transaksyon ay lingid sa kaalaman ng mga suspek na pulis ang kanilang parokyano at walang pakundangan sa pagbebenta ng P680,000 halaga ng shabu.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2004 ang mga suspek. Mary Anne Sapico