MANILA, Philippines- Mahaharap sa kaso ang 23 tripulante ng dalawang fuel tanker na nahuli ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa akto ng ilegal na paglilipat ng unmarked fuel sa Navotas Fish Port.
Sa isang resolusyon, sinabi ng Navotas City Office of the Prosecutor na nakahanap ito ng probable cause para kasuhan ang mga tripulante ng MT Tritrust at ng MT Mega Ensoleilee sa mga kasong paglabag sa Section 265-A ng National Internal Revenue Code (NIRC), na inamyendahan sa pamamagitan ng Section 80 ng Republic Act (RA) 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Sa ilalim ng Section 80 ng TRAIN law, pagmumultahin ang mga taong mapapatunayang sangkot sa pagbebenta, pangangalakal, paghahatid, pamamahagi, o transportasyon ng mga unmarked fuel ng P2.5 milyon para sa unang paglabag, P5 milyon para sa ikalawang paglabag, at P10 milyo para sa ikatlong pagkakasala, pati na rin ang pagbawi ng lisensya upang makibahagi sa anumang kalakalan o negosyo.
Dahil dito, pinuri naman ni Commissioner Bien Rubio ang mabilis na aksyon ng Manila International Container Port Customs Intelligence and Investigation Service (MICP-CIIS) sa pagsasagawa ng fuel marking test on the spot na humantong sa pagkakaaresto sa mga tripulante ng dalawang fuel vessel.
Matatandaang nahuli ang MT Tritrust na nagkakarga ng 320,463 litro ng unmarked diesel fuel, habang ang MT Mega Ensoleilee ay mayroong 39,884 litro ng unmarked diesel fuel. Tinatayang nagkakahalaga ng P20.35 milyon ang smuggled na gasolina.
Samantala, tiniyak ni BOC-CIIS director Verne Enciso na ang Kawanihan, kasama ang Department of Justice (DOJ), ay magpapatuloy sa paghabol sa mga fuel smuggler at sinumang sangkot sa iligal na paglilipat ng gasolina, o paihi system.
Batay pa din sa nasabing resolusyon, iniutos din ang isang paunang pagsisiyasat para sa pag-uusig ng mga karagdagang kaso na lumalabag sa Seksyon 1401 ng CMTA para sa unlawful importation laban sa may-ari, tagapamahala, at/o mga opisyal ng korporasyon ng Megapower Petroleum and Shipping Corporation.
Sinabi ni Intelligence Group Deputy Commissioner Juvymax Uy na posibleng mahaharap ang kumpanya sa mga kaso kaugnay ng mga paglabag sa Section 1401 ng CMTA. JAY Reyes