MANILA, Philippines- Dalawang katao ang napaulat na nasawi habang walo naman ang sugatan dahil sa malakas na ulan at hangin na dala ng bagyong Julian.
Sa 8 a.m. situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi nito na isang indibidwal na ang napaulat na nasawi Region 1 (Ilocos Region) habang ang isa naman ay mula sa Cordillera Administrative Region.
Ang walong sugatan ay nagmula naman sa Region 2 (Cagayan Valley). Isang katao ang kumpirmadong nawawala dahil kay Julian.
May kabuuang 58,953 pamilya o 211,000 katao mula sa Regions 1, 2 at CAR ang apektado ng cyclone, kung saan 308 pamilya o 922 katao ang nanuluyan sa 26 evacuation centers at 630 pamilya o 2,249 katao naman ang nananatili sa ibang lugar.
Sinasabing 21 lugar sa Regions 1, 2 at CAR ang nakaranas ng pagbaha, kung saan humupa na ang tubig-baha sa limang lugar sa Region 1 at pitong lugar naman sa Region 2. May apat na lugar naman sa Region 2 ang pabalik-balik ang pagbaha.
Dalawang insidente ng pagbaha ang iniulat sa CAR.
May kabuuang 105 road sections at tatlong tulay ang apektado sa mga nasabing rehiyon, 72 naman ay maaaring madaanan na.
Apektado ang suplay ng kuryente sa 20 lungsod at munisipalidad sa Regions 1 at 2, kung saan 14 (siyam sa Region 1, lima sa Region 2) ang naibalik na.
Nananatiling naman ‘interrupted’ ang suplay ng tubig sa dalawang lungsod at munisipalidad sa Region 2, habang apektado naman ang linya ng komunikasyon sa isang lugar sa Region 1, at pito naman sa Region 2.
May anim na daungan sa Calabarzon at isa sa Region 1 ang nananatiling non-operational o kanselado ang kanilang byahe.
Gayunman, may 154 pasahero, 15 rolling cargoes, siyam na vessels at tatlong motorbanca sa rehiyon ang nananatiling stranded.
Iniuat din ng NDRRMC na may kabuuang 363 damaged houses sa Regions 1, 2 at CAR.
Tinukoy naman ng NDRRMC ang report ng Department of Agriculture (DA) na may 526.7 ektarya ng pananim na nagkakahalaga ng P35,209,440.81 sa Region 1 ang napinsala.
Samantala, iniulat ng National Irrigation Administration (NIA) na may apat na imprastraktura ang nawasak, nagkakahalaga ng P1,540,000.
Suspendido ang klase sa 320 lungsod at munisipalidad sa Regions 1, 2, 3, CALABARZON at CAR, habang suspendido rin ang trabaho sa 111 lungsod at munisipalidad sa Regions 1, 2 at CAR.
Idineklara naman ang state of calamity sa 29 na lungsod/ munisipalidad sa Regions 1 (23) at 2 (anim).
May kabuuang P21,588,275.13 halaga ng tulong ang naibigay na sa 31,432 pamilya mula sa 38,595 pamilya na nangangailangan ng tulong sa Regions 1, 2 at CAR.
Sa Region 1, naipamahagi na ang food at non-food items na nagkakahalaga ng P1,327,773.53
Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) NO.1 sa Itbayat, Batanes, araw ng Huwebes habang nagbalik-Philippine Area of Responsibility (PAR), naman ang bagyong Julian, ayon sa PAGASA sa 11 a.m. Bulletin nito. Kris Jose