MANILA, Philippines – Nasawi ang 73-anyos na lola na tumatawid sa kalsada matapos salpukin ng isang motorsiklo na minamaneho ng 18-anyos na rider sa Mangaldan, Pangasinan.
Ayon sa ulat, makikita ang CCTV footage kung saan tumawid ang biktima malapit sa pedestrian lane sa Barangay Embarcadero.
Galing sa tindahan ang biktima at pauwi na sana sa bahay nang mangyari ang insidente.
Malapit na sanang makatawid ang lola nang dumating ang motorsiklo at sinalpok ito.
Sa lakas ng impact ay tumilapon ang babae habang natumba rin ang rider.
Agad na isinugod sa ospital ang biktima ngunit pumanaw din ilang oras matapos nito dahil sa tindi ng tinamong pinsala sa ulo at dibdib.
Nakipag-ayos naman ang rider sa pamilya ng biktima. RNT/JGC