MANILA, Philippines – Sinira ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mahigit P200 milyong halaga ng smuggled meat sa isang treatment storage at disposal facility sa San Ildefonso, Bulacan, nitong Sabado.
Nasamsam ang mga frozen na produkto sa isang raid sa isang cold storage facility sa Marilao, Bulacan, noong Setyembre 27, matapos madiskubre ng cyber patrol ng NBI na nagbebenta ng karne online ang kumpanya.
Taliwas ito sa sinasabi ng kumpanya na nag-ooperate lamang sila bilang isang planta ng yelo kaya naging dahilan para mag-isyu ang NBi ng subpoena para ipaliwanag ng kumpanya kung bakit ito nag-aangkat ng prudokto na hindi dumaan sa mga awtoridad.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na idineklarang hindi maganda para sa human consumption kaya itinapon ang mga karne sa pamamagitan ng thermal decomposition upang maiwasan na makarating sa merkado.
Hindi bababa sa pito pang trak, na may kargang mga nakumpiskang produkto mula sa Marilao, ang itatapon.
Inaasahang aabot ng limang araw bago makumpleto ang pagsira ng mga smuggled na karne.
Nagbabala ang NBI sa mga kumpanyang sangkot sa iligal na importasyon na paigtingin nila ang kanilang pagsisikap, partikular na ang inaasahang pagtaas ng mga frozen na produkto sa panahon ng “ber” months.
Binigyang-diin ni Santiago na sa ilalim ng bagong Anti-Agri Economic Sabotage Law na nilagdaan kamakailan ng pangulo, ang mga nagkasala ay maaring maharap sa habambuhay na pagkakakulong at multa na limang beses ang halaga ng mga produktong sangkot sa krimen. Jocelyn Tabangcura-Domenden