MANILA, Philippines – Posibleng maging material witness ang self-confessed drug lord na si Rolan “Kerwin” Espinosa sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa drug war ng nakaraang administrasyon kung direkta niyang maiuugnay si dating Pangulong Rodrigo Duterte at
ang Philippine National Police, lalo na si dating police chief at ngayon ay senador Ronald dela Rosa, sa mga extrajudicial killings (EJKs) nang mga panahong iyon.
Nitong Linggo, Oktubre 6, ay sinabi ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, na nagsisilbing isa sa mga abogado ng EJK victims na dapat ay magkaroon ng sinumpaang salaysay si Espinosa kaugnay sa kanyang nalalaman sa mga EJK.
Matatandaan na sinabi ni Espinosa sa kaparehong araw na siya ay “1,000 percent” na handang tumestigo sa ICC.
Ani Colmenares, sa ngayon ay press statement pa lamang ang ginawa ni Espinosa ngunit kailangan nitong magkaroon talaga ng sinumpaang salaysay at ipinanotaryo ito.
Sinabi pa niya na mayroong dalawang paraan para tumestigo sa ICC.
Una ay sa pamamagitan ng counsel ng mga kaanak ng mga biktima, kung handang makipagtulungan si Espinosa sa mga ito.
Ang ikalawa naman ay ang direktang pakikipag-ugnayan ni Espinosa sa ICC prosecutor.
Samantala, isa rin sa posibleng gawin ni Espinosa sa pagdinig ng ICC ay maging isang “insider witness… if he has information on how the incidents have happened.” RNT/JGC