MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes laban sa mga pekeng advisory at mapanlinlang na impormasyong kumakalat online kaugnay ng 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Pinayuhan ng PNP ang publiko na umasa lamang sa mga opisyal na channel ng pamahalaan at iwasang magbahagi ng mga hindi beripikadong anunsyo tungkol sa summit.
“Please do not circulate unverified screenshots, forwarded messages, or claims of security incidents. Report fake advisories and suspicious online activity to the authorities,” ayon sa pahayag ng PNP.
Pinaigting din ng pulisya ang online monitoring sa mga kahina-hinalang post tungkol sa pagsasara ng mga kalsada, banta sa seguridad, mga paghihigpit sa mga venue at umano’y mga emergency incident.
Pinalakas din ang koordinasyon ng PNP Anti-Cybercrime Group at mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan upang imbestigahan ang mga naiulat na online threat at mga account na nagpapanggap na mga opisyal ng pulisya.
Binigyang-diin ng PNP na maaaring makapanlinlang sa publiko, makaapekto sa daloy ng biyahe at makalihis sa mga operasyong pangseguridad ng summit ang pagpapakalat ng maling impormasyon. RNT/MDS