Home METRO Bagong lava dome namataan sa bunganga ng Mayon Volcano

Bagong lava dome namataan sa bunganga ng Mayon Volcano

1
0

MANILA, Philippines – Namataan nitong Biyernes ng umaga ang bagong lava dome sa summit crater ng Mayon Volcano, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Sa update ng ahensya, nakita ang bagong lava dome sa pamamagitan ng close-up camera monitor sa Mayon Volcano Observatory.

Bago ito, naitala ng isang international partner agency sa satellite images ang pamamaga ng sahig ng bunganga ng bulkan mula Nobyembre 2 hanggang 4, na dulot umano ng hindi pa nakikitang lava dome.

Nananatili sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano, na nangangahulugan ng tumitinding volcanic unrest at magmatic unrest.

Sa bulletin nitong Biyernes, iniulat ng PHIVOLCS ang minor Strombolian activity at walong volcanic earthquake sa bulkan.

Naitala rin ang sulfur dioxide emission na 2,293 tonelada noong Huwebes. Namataan din ang katamtamang pagbuga ng volcanic plume na tinangay ng hangin patungong kanluran-timog-kanluran at timog-kanluran.

Napansin din ng ahensya ang pamamaga ng kabuuang istruktura ng bulkan, bagama’t may panandaliang pagliit sa hilagang-silangang bahagi nito.

Sa ilalim ng Alert Level 3, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone at pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan.

Kabilang sa mga posibleng panganib ang pagguho ng bato at lupa, paglipad ng mga tipak ng bato, pagdaloy ng lava, lava fountaining, pyroclastic density currents, katamtamang pagsabog at lahar kapag may malakas at matagal na pag-ulan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here