MANILA, Philippines – Mahigit 90 proyekto na nagkakahalaga ng P2 trilyon ang nakalinya sa One-Stop Action Center for Strategic Investments (OSAC-SI) ng Board of Investments (BOI) para makakuha ng green lane certificates.
Karamihan sa mga proyektong ito ay nasa Renewable Energy (RE) sector, sinabi ni BOI Director Ernesto delos Reyes Jr. sa sidelines ng
RE forum na inorganisa ng Economic Journalists Association of the Philippines at Aboitiz Power Corp. sa Securities and Exchange Commission headquarters sa Makati City.
Ang mga investment na ito ay magpapalakas pa sa kasalukuyang P4.3 trilyong halaga ng proyekto na inendorso ng OSAC-SI para sa green lanes sa national government agencies (NGAs) at local government units (LGUs).
Sa Executive Order 18 ay itinatag ang OSAC-SI sa BOI na magsisilbing single point of entry ng mga proyekto na tinukoy na strategic investments.
Ang OSAC-SI ang nag-iisyu ng certificate of endorsement sa strategic investments na ipipresenta sa NGAs at LGUs para pabilisin ang pagproseso ng mga kinakailangang lisensya at permit at maiwasan ang pagkaantala sa kanilang mga proyekto. RNT/JGC