MANILA, Philippines- Binomba ng Chinese vessel ng water cannon ang isang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) sa West Philippine Sea (WPS), ayon sa Philippine Navy nitong Martes.
“Yes, we were informed of a water cannon incident in Bajo de Masinloc by the Chinese Coast Guard vessel towards a BFAR vessel,” pahayag ni Philippine Navy spokesperson Rear Admiral Roy Vincent Trinidad sa isang press briefing.
Base sa Armed Forces of the Philippines (AFP) public affairs office, natanggap ang impormasyon hinggil sa insidente nitong Martes ng umaga.
“Because of that, we would like to politely defer to the BFAR for their official statement on the issue,” dagdag ni Trinidad.
Sa kasalukuyan ay wala pang komento si BFAR spokesperson Nazario Briguera ukol dito.
Ayon sa ulat, naka-deploy umano ang barko ng BFAR upang mamahagi ng mga suplay sa mga mangingisdang Pilipino sa lugar.
Wala pa ring komento ang Chinese Embassy in Manila tungkol dito.
Ang Bajo de Masinloc, tinatawag ding Panatag Shoal at Scarborough Shoal, ay saklaw ng 200-nautical mile exclusive economic zone ng Pilipinas.
Inaangkin ng Beijing ang halos kabuuan ng South China Sea kabilang ang mga parteng inaangkin din ng Pilipinas, Vietnam, Indonesia, Malaysia, at Brunei.
Noong 2016, pinaboran ng international arbitration tribunal sa Hague ang Pilipinas kaugnay ng pag-angkin ng China sa South China Sea, sinabing wala itong legal na basehan.
Patuloy naman ang pagbalewala ng China sa desisyong ito. RNT/SA