Home NATIONWIDE 2 ‘tumakas’ na Pinoy caregivers nalambat sa SoKor

2 ‘tumakas’ na Pinoy caregivers nalambat sa SoKor

MANILA, Philippines- Inaresto ang dalawang overseas Filipino workers (OFWs) na na-deploy sa South Korea bilang caregivers sa ilalim ng Pilot Foreign Caregiver government-to-government hiring program makaraang hindi bumalik sa kanilang trabaho matapos ang holiday break.

Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac sa press briefing noong Lunes na hinihintay nila ang resulta ng imbestigasyon.

Ang caregivers ay kabilang sa 100 na ipinadala sa South Korea noong Agosto sa ilalim ng Employment Permit System pilot project na nagbibigay ng pangangalaga sa Korean households na may mga anak, mga matatanda, single parents o working couples.

Sinabi ni Cacdac na dumating sa Korea ang unang batch noong Agosto 6.

Ayon sa DMW, umalis ang dalawang caregivers sa kanilang quarters noong Sept.15 , ang ikalawang araw ng five-day Chuseok (Korean Thanksgiving) holiday ngunit hindi na nakabalik sa trabaho noong Sept.18.

Tiniyak ni Cacdac na ang dalawang OFWs ay tinutulungan pa rin ng gobyerno ng Pilipinas.

Sa kabila ng insidente, nanatiling kumpiyansa si Cacdac sa relasyon ng dalawang bansa at kanilang Ministry of Labor.

Sinabi ni Cacdac na mahigpit nilang sinusubaybayan at tinatasa ang pagpapatupad ng pilot program at, kung may mga hamon sa trabaho, gagawa sila ng mga pagsasaayos. Jocelyn Tabangcura-Domenden