MANILA, Philippines- Naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng P253.378 billion sa 2025 budget para sa cash assistance o “ayuda” para sa vulnerable sectors ng lipunan.
Sinabi ng DBM na ang budget allocation para sa financial assistance ay alinsunod sa Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028, na nakatuon sa pagpapatupad ng economic at social transformations, kabilang na ang pagpapalakas sa kakayahan ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng pagbabawas sa kanilang “vulnerabilities” at pangangalaga sa kanilang purchasing power.
Ang budget allocation ay mas mataas kaysa sa P200.9 billion noong 2021; P276.8 billion para sa taong 2022 at P251.3 billion para naman sa 2023 allocations.
Para sa 2024, ang kabuuang gugugulin para sa ayuda o cash assistance programs ay umabot sa P318.5 billion.
Saklaw nito ang financial assistance programs na ipinatupad ng Department of Agriculture, kabilang na ang Rice Farmers Assistance program at Fuel Assistance sa mga magsasaka at mangingisda; Department of Health’s Cancer Assistance Fund, Medical Assistance sa mga Indigent and Financially-Incapacitated Patients; Department of Labor and Employment’s Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers Program; at iba pang social protection programs ng Department of Social Welfare and Development, gaya ng Ayuda sa Kapos Ang Kita Program, Pantawid Pamilyang Pilipino Program, Protective Services para sa mga indibidwal at pamilya na nasa mahirap na sitwasyon, Social Pension para sa Indigent Senior Citizens, at pagbibigay ng karagdagang benepisyo sa Filipino centenarians.
Ang implementasyon ng fuel subsidy para sa transport sector sa ilalim ng Department of Transportation ay kasama rin sa appropriation.
Titiyakin naman ng budget allocation na magpapatuloy ang implementasyon ng mga nasabing programa at iba pang inisyatiba kabilang na ang Philippine Food Stamp, isa sa priority programs ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ang education sector ay nananatili namang top priority sa panukalang P6.352 trillion national budget para sa taong 2025, may 15.4% ng National Expenditure Program (NEP) o P977.6 billion.
“This is higher than the PHP968.9 billion allocation in this year’s budget,” ayon sa DBM.
Susuportahan ng budget ang mga programa ng DepEd, kabilang na ang MATATAG Agenda para sa Basic Education.
Ang mas mataas na alokasyon ay ibibigay naman sa ibang mahahalagang education programs, gaya ng school-based feeding program.
Samantala, “access to quality education will also be at the forefront of the government’s education agenda through the Universal Access to Quality Tertiary Education and the Education Assistance and Subsidies,” ayon sa DBM. Kris Jose