MANILA, Philippines- Nangako ang Commission on Elections (Comelec) na magsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga indibidwal na sangkot sa insidente ng pamamaril sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur sa huling araw ng paghahain ng certificate of candidacy (COCs) para sa Eleksyon 2025.
Limang indibidwal ang nasugatan sa Shariff Aguak nang tumaas ang tensyon noong Okt. 8 o sa huling araw ng filing ng COC.
Sa isang Facebook live mula sa Shariff Aguak municipal police, ipinakita ang mga operatiba na rumeresponde sa putukan malapit sa municipal hall pati ang pambabato.
Sa ngayon, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ang Shariff Aguak ay maaring ideklarang under code yellow o “areas with a history of political unrest.”
Sinabi ni Garcia na maaring magdagdag ng security forces sa pagdaraos ng halalan at paghahanda sa eleksyon dahil ang nasabing lugar ay markado na. Jocelyn Tabangcura-Domenden