MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Embassy sa Washington, DC ngayong Biyernes na walang Pinoy na naiulat na nasaktan matapos tumama ang Hurricane Milton sa Florida.
“Sa ngayon naman po, wala pa po kaming natatanggap na ulat na mga Pilipino na mga kababayan natin na nasaktan o nasawi dahil sa hagupit ng Hurricane Milton,” ani Consul General Donna Rodriguez sa isang interview.
Pinayuhan ng embahada at ng lokal na pamahalaan ang mga residente na lumikas sa kanilang mga tahanan dahil sa banta ni Milton. Ang bagyo ay inaasahang tatawid sa mga lugar ng Tampa Bay at Orlando.
Mayroong humigit-kumulang 178,000 Pilipino sa Florida. Sa kabuuang populasyon ng mga Pilipino, 34,000 ang nasa Tampa Bay at 23,000 ang nasa Orlando.
Sinabi ni Rodriguez na ang embahada ay nakikipag-ugnayan sa mga pinuno ng Filipino community sa Florida.
Ang Embahada ng Pilipinas sa Washington, DC ay magbibigay ng tulong sa mga apektadong Pilipino sa kanilang mga kahilingan dahil ang lokal na pamahalaan ay inaasahang magbibigay sa kanila ng tulong, ani Rodriguez.
Iniulat ng Reuters na hindi bababa sa 10 katao ang namatay habang milyun-milyon ang nakaranas ng pagkawala ng kuryente pagkatapos ng pagsalakay ng Milton sa Florida.
Sinabi ni US Homeland Security Secretary Alejandro Mayorkas sa isang White House briefing na ang 10 pagkamatay ay posibleng dahil sa mga buhawi.
Mahigit sa 3.2 milyong bahay at negosyo ang walang kuryente, ayon sa PowerOutage.us.
Sinabi ni Gobernador Ron DeSantis na iniiwasan ng estado ang “pinakamasamang sitwasyon,” bagaman binalaan niya na malaki pa rin ang pinsala at nanatiling alalahanin ang pagbaha. RNT