MANILA, Philippines- Inihayag ng Southern Police District (SPD) ang pansamantalang pagsuspinde ng permits sa pagdadala ng baril sa buong National Capital Region (NCR) upang bigyan ng daan ang pagsasagawa ng Asia-Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction (APMCDRR).
Ayon kay SPD director Brig. Gen. Bernard Yang, ang bansa ang nag-host ng APMCDRR mula Oktubre 14 hanggang 15 na gaganapin sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.
Sinabi ni Yang na ang suspensyon ng permits to carry firearms outside of residence (PTCFOR) ay magsisimula ng alas-12:01 ng madaling araw nitong Linggo (Oktubre 13) at magtatapos ng hanggang alas-12 ng hatinggabi ng Biyernes, Oktubre 18.
Ang mga bibigyan lamang ng pagkakataon na magdala ng baril ay ang mga law enforcement agencies (LEAs) na nagsasagawa ng opisyal na duty gayundin ang mga agency-prescribed uniforms.
Kaugnay sa nabanggit na komperensya ay inilabas din ng Palasyo ang Memorandum Circular No. 66 na nagsususpinde ng klase sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan gayundin ang pagsusupindi ng trabaho sa mga lokal na gobyerno ng Pasay at Maynila dahil sa dami ng inaasahang lalahok sa naturang pagtitipon.
Sa inilabas na kautusan ng Palasyo ay hindi kasama rito ang mga tanggapan na nagbibigay ng mga importanteng serbisyo tulad ng sa pangkalusugan, disaster preparedness at response na mananatiling bukas at patuloy ang kanilang operasyon.
Samantala, sa mga emleyado ng pribadong kompanya at tanggapan naman ay nasa desisyon na ng kani-kanilang mga employers at mga namamahala ng kung patuloy ang kanilang pagtatrabaho sa mga nabanggit na araw. James I. Catapusan