Home NATIONWIDE Pagsampa ng kasong kriminal, administratibo vs Leonardo suportado ng Malakanyang

Pagsampa ng kasong kriminal, administratibo vs Leonardo suportado ng Malakanyang

122
0

MANILA, Philippines – SUSUPORTAHAN ng Palasyo ng Malakanyang ang paghahain ng kasong kriminal at administratibo laban kay dating National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo.

Si Leonardo ay isinasangkot sa pagpaslang kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga.

”The Palace will support the filing but will leave the decision to file entirely to the (Department of  Justice) or Ombudsman,” ang sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa isang kalatas.

Sa ulat, hinikayat ni Quad Committee Chairman Robert Ace Barbers ang Department of Justice (DOJ) na sampahan ng kasong murder sa lalong madaling panahon sina ret. P/Colonels Royina Garma at NAPOLCOM Commissioner Edilberto Leonardo kaugnay ng ambush-slay kay PCSO Board Secretary Wesley Barayuga noong 2020.

Kaugnay ito sa testimonya ni P/Col Santie Mendoza ng PNP-Drug Enforcement Group at impormante nito na si Nelson Mariano na humarap sa pagdinig ng komite noong Setyembre 27 na plinano umano nina Garma at Leonardo ang pagpatay kay Barayuga.

Sa naturang pagdinig, sinabi ni Mendoza na kinontak siya ni Leonardo noong Oktubre 2019, sa utos umano ni Garma, upang ipapatay si Barayuga, isang miyembro ng Philippine Military Academy Matikas Class of 1983 at isang retiradong Police General.

Kapwa naman nagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) sina Garma at Leonardo at upperclassmen ni Mendoza.

Kinontak naman ni Mendoza si Mariano na siyang naghanap ng hired killer at ang kanyang nakausap ay si “Loloy.”

Winika ni Mariano na ang mga impormasyon ni Barayuga ay ibinigay ni Toks, na trusted aid umano ni Toks gaya ng litrato at sasakyan na gagamitin ni Barayuga ng ­paslangin ito noong Hulyo 30, 2020. Nagbigay din umano ng P300,000 reward si Garma kaugnay ng pagpatay.

At dahil sa Viber idinadaan ang usapan, inirekomenda ni Barbers sa DOJ na kunin ang mga cellphone nina Mendoza at Mariano upang magamit na ebidensya.

Kamakailan ay ipinag-utos na i-detain sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City si Leonardo matapos niyang itanggi na nagkaroon ng meeting bago ang pagpatay sa tatlong Chinese drug convicts sa Davao Prison and Penal Farm noong Agosto 2016.

Ang pagpupulong na ito ay nangyari umano sa Davao City Criminal Investigation and Detection Group office at dinaluhan ni dating Davao Prison and Penal Farm chief Gerardo Padilla at retired police colonel Royina Garma. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here