QUEZON CITY, Philippines – Natagpuan ang isang fetus na nakabalot sa papel at inilagay sa isang shoebox na nabalutan ng plastik sa tambak ng basura sa Regalado Highway, Barangay North Fairview, bago mag-alas-3:30 ng hapon noong Linggo, Nobyembre 1.
Ayon kay Barangay Councilor Jayve Frech Marigondon, isang lalaking nangangalakal ng basura ang nakadiskubre sa fetus habang naghahalungkat sa mga basurang nakatambak malapit sa isang poste.
Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV), nakita ang lalaki na humihingi ng tulong sa isang residente matapos makita ang fetus. Iniulat naman ng residente ang insidente sa mga opisyal ng barangay.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng barangay at nakipag-ugnayan sa Quezon City Police District (QCPD) Station 5.
Ayon kay Marigondon, babae ang fetus at sapat na ang laki nito upang buhatin gamit ang dalawang kamay. Nakadikit pa umano ang pusod nito nang matagpuan.
Sa pagsusuri sa CCTV footage, nakita ang ilang mangangalakal na huminto sa lugar bago nadiskubre ang fetus. Gayunman, hindi pa natutukoy ng mga awtoridad kung sino ang nag-iwan nito.
Sinusuri na ng pulisya ang mga CCTV footage mula sa mga kalapit na establisimyento at nagsasagawa ng backtracking operation upang matukoy ang responsable sa insidente. RNT/MDS