Home METRO Pinaghihinalaang gunrunner, sugatan sa shootout sa buy-bust ops sa North Cotabato

Pinaghihinalaang gunrunner, sugatan sa shootout sa buy-bust ops sa North Cotabato

1
0

KABACAN, North Cotabato, Philippines – Sugatan ang isang hinihinalang gunrunner matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa isang buy-bust operation sa Kabacan, North Cotabato nitong Martes.

Isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), katuwang ang Kabacan Municipal Police Station, ang operasyon sa national highway sa Barangay Kayaga bandang alas-8:45 ng umaga.

Ayon kay Lt. Col. April Lou Palma, hepe ng Kabacan police, target ng operasyon ang dalawang lalaki na umano’y sangkot sa ilegal na bentahan ng mga baril.

Una nang pumayag ang mga suspek na ibigay ang isang rifle sa isang lugar sa national highway sa Datu Montawal, Maguindanao del Sur, ngunit kalaunan ay inilipat ang tagpuan sa Barangay Kayaga sa Kabacan.

Nakatakda sanang ibigay ng mga suspek ang rifle at tanggapin ang pera mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer. Gayunman, naghinala ang isa sa kanila na mga pulis ang kanilang kausap.

Nagpaputok umano si alias “Datu,” 25-anyos na magsasaka at residente ng Barangay Magatos, Kabacan, kaya gumanti ang mga operatiba bilang pagtatanggol sa sarili. Tinamaan ang suspek at agad dinala sa pinakamalapit na ospital para gamutin.

Samantala, kusang sumuko sa mga operatiba ang isa pang suspek na si alias “Alle,” isang magsasaka at residente ng Barangay Kayaga.

Nakumpiska sa operasyon ang isang hindi rehistradong 5.56mm na baril na walang serial number, isang .45 caliber pistol at mga bala nito, 99 piraso ng boodle money, isang tunay na P1,000 bill na ginamit bilang marked money, at isang berdeng Suzuki Wagon R.

Natuklasan din ng pulisya na may nakabinbing arrest warrant si alias Datu dahil sa kasong destructive arson, multiple attempted murder at paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020.

Naghahanda na ang CIDG ng mga kaso laban sa mga suspek dahil sa umano’y paglabag sa Section 32 ng Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Nasa detention facility na ng Kabacan Municipal Police Station ang sumukong suspek, habang nananatili sa ospital ang sugatang suspek sa ilalim ng mahigpit na pagbabantay ng pulisya. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here