Home NATIONWIDE Mga ‘bully’ sa Pasig sinampal ng asunto

Mga ‘bully’ sa Pasig sinampal ng asunto

198
0

MANILA, Philippines – Nagsampa ng reklamo sa pulisya ang pamilya ng isang estudyante sa Pasig City matapos makitang masyadong magaan ang parusa laban sa isang kaeskuwela na umano’y nang-bully sa kanya sa isang video na naging viral.

Naghain din ng mga reklamo laban sa ilan pang mga estudyante bilang kasabwat na nanood sa insidente.

Makikita sa video ng umano’y insidente noong Biyernes ang biktimang Grade 10 student na nakaluhod at pinipilit umamin sa isang bagay habang sinasampal at pinagbabantaan.

“Pagtingin ko sa video, nagulat ako hindi ko maintindihan yung nararamdaman ko. Sabi ko sa anak ko ‘Anak, ano to?’, tapos tumingin lang po sya sa akin tapos umiyak po siya nang umiyak. Ang nakita ko doon, isang batang gustong magsumbong na hindi niya alam kung paano niya iaano sa magulang niya,” anang ina ng biktima.

Sinabi ng mga awtoridad sa barangay na ang umano’y nambu-bully ay isang 16-anyos na kaeskuwela ng biktima, na pinipilit siyang aminin na nagkalat siya ng isang conversation.

“Ang sabi niya ‘Mommy, kasi pinipilit po nila ako na nagpakalat ng convo na yan. Hindi naman po ako. Inabangan po nila ako sa school, inakbayan po nila ako, dinala nila ako sa isang lugar. Gusto nila, aminin ko habang nakaluhod at mag sorry ako. Pag hindi ko daw inaamin, ‘sige isa pang hindi, isang sapak,’” dagdag pa niya.

Idinagdag din niya na ang viral video ay naging pangalawang insidente ng pambu-bully na ginawa sa biktima.

Nang makipagkita ang pamilya ng biktima sa mga pamilya ng mga bully sa paaralan, sinabi nila na hindi sapat ang parusa ng tatlong araw na community service.

“Ang first offense, 3 days community service. Ano pong ibig sabihin noon, maglilinis ng tatlong araw? Ganun lang po ba ang hatol sa isang pambubully? First offense lang po ba yung ginawa sa anak kong pambubugbog ng 2 araw? Bakit po parang… ganun ang hustisya? Kaya po pala maraming na-bubully,” giit pa ng ina ng biktima.

Noong Martes, nagsampa ng reklamo ang pamilya ng biktima para sa physical injuries at paglabag sa Anti-Bullying Act of 2013 laban sa mga umano’y bully.

Tumangging magkomento ang sinasabing bully at ang paaralan sa insidente. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here