Home NATIONWIDE P3.5M puslit na ‘yellow onion’ mula Tsina nasabat

P3.5M puslit na ‘yellow onion’ mula Tsina nasabat

114
0

TINATAYANG nasa P3.5 milyon halaga ng “yellow onion” ang nasamsam ng mga awtoridad na may katumbas na 25 metric tons (MT) o 25,000 kilo na inangkat mula sa China, iniulat ng Bureau of Plant Industry (BPI) nitong Martes.

Nabatid sa BPI na dumating ang shipment sa Port of Manila ang isang 40-foot container van sakay ng Green Pacific noong Hulyo 16, 2024.

Matapos maberipika ng BPI ang pagdating nito sa pamamagitan ng Inward Foreign Manifest (IFM), inalerto nito ang Bureau of Customs (BOC) na pigilin ang nabanggit na kargamento.

Napag-alaman na ang kargamento ay walang sanitary at phytosanitary import clearance (SPSIC), na naging dahilan upang maglabas ang BOC ng warrant of seizure at detention para sa inspeksyon.

Ayon sa BPI, ang deklarasyon para sa nasabing sibuyas noong Hulyo ay kasabay ng suspensyon sa SPSIC na nagbigay ng tip sa kanila sa aktibidad ng smuggling.

Pinapayagan lamang umano ng Department of Agriculture ang pag-iisyu ng SPSICs para sa yellow onion noong Agosto.

Samantala, muling iginiit ng BPI na ang pagkonsumo ng mga iligal na inangkat na produktong agrikultura ay nagdudulot ng panganib sa kalusugan.

Kaugnay nito, tiniyak ng BPI na matatag ang suplay at presyo ng parehong pula at puting sibuyas para sa natitirang bahagi ng taon.

Ayon sa BPI, nasa 7,000 hanggang 8,000 MT ng imported yellow onions ang dumating ngayong buwan. Nauna nang inaprubahan ng DA ang limitadong pag-aangkat ng 16,000 MT ng puting sibuyas bago ang inaasahang lokal na ani sa Enero sa susunod na taon.

Para sa mga pulang sibuyas, sinabi ng DA na sapat na ang stock ng bansa hanggang Marso 2025.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here