MANILA, Philippines – Sinabi ng pamunuan ng Intramuros na ang pagkalat, paninira at pagsunog sa makasaysayang walled city na Intramuros sa Maynila ay magkakaroon ng multa na hanggang P10,000.
Ito ang sinabi ni Intramuros Administration Administrator Joan Padilla sa pagdinig ng Senate subcommittee on finance sa panukalang 2025 budget ng Department of Tourism (DOT).
Tugon ni Padilla kay Sen. Loren Legarda, ang Senate subcommittee on finance presiding chairperson, noong 2024 ay mayroon nang aprubadong polisiya ang board para sa implimentasyon ng anti-vandalism at ecological solid waste management sa Intramuros.
Kaya aniya, magpapataw ng administrative fines para sa mga lalabag sa Ecological Solid Waste Management law at magpapataw din ng multa para sa vandalism, magkalat at open burning.
Ang listahan ng mga sumusunod na administratibong multa para sa mga paglabag sa batas ay iniharap sa komite.
Sa pagtatapon ng basura, ang mga lalabag ay pagmumultahin ng P500 na multa sa unang paglabag, P1,000 sa ikalawang paglabag at P3,000 sa ikatlo at susunod na paglabag.
Samantala, ang mga first-time offenders ng open burning ay papatawan ng multa na P800, P1,500 sa ikalawang paglabag at P3,000 sa ikatlo at kasunod na mga paglabag. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)