Home NATIONWIDE Political stunts na gumagamit sa DSWD pampabango sa 2025 elections ibinabala

Political stunts na gumagamit sa DSWD pampabango sa 2025 elections ibinabala

137
0

MANILA, Philippines – BINALAAN ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko laban sa mga politiko na ginagamit ang ahensya para magpapapansin lalo pa’t nalalapit na ang 2025 election.

“May eleksyon na paparating at may mga kandidato na maraming eksenang ginagawa at paandar,” ayon kay DSWD Undersecretary Edu Punay.

“Tayo po ay maging mapanuri dahil minsan ginagamit ang mga ahensya ng pamahalaan sa kanilang kampanya,” ang sinabi pa nito.

Sinabi ito ni Punay matapos na sabihin ng Office of the Vice President (OVP) na may ilang benepisaryo na ni-refer ng ahensiya ang di umano’y hindi pinagbibigyan ng social welfare offices.

“Hindi po totoo na ang DSWD ay namumulitika o nagpapagamit sa mga pulitiko sa aming mga programa,” ang sinabi ni Punay.

“Wala pong direktiba ang Malacañang o kahit si Sec. Rex Gatchalian na maging selective sa pamamahagi ng aming mga ayuda o iba’t ibang programa sa ating mga kababayang mahihirap,” aniya pa rin.

Ang lahat ng mga benepisaryo na naghahangad ng cash aid mula DSWD ay kailangan na sumailalim sa screening at interviews gaya ng nakamandato sa auditing rules.

“Very strict din ang requirement ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS)… dahil pera ang pinamimigay diyan, hindi food packs kaya very strict po si COA (Commission on Audit) sa amin kaya dapat masundan yung guidelines,” ang sinabi ni Punay.

“Kapag may nirefer sa amin, kailangan namin ivalidate, isa-isahin interviewhin ng aming mga social worker para malaman namin yung pangangailangan nila at maibigay kung ano yung dapat na intervention,” dagdag na wika nito.

“This process needs to be honored to avoid previous allegations that the DSWD only caters to individuals who are backed by certain politicians,” ang sinabi pa ni Punay.

Habang sinabi ng OVP na “some clients referred by the OVP have been left unattended by various Regional Offices of the DSWD,”

Binigyang diin naman ni Punay na hindi na kailangan pa ng mga benepisaryo ang endorsements mula sa sinumang politiko para makakuha ng serbisyo ng ahensiya.

“Hindi kailangan ng referral para sa ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong upang lumapit sa DSWD,” ani Punay.

“Bukas po ang aming tanggapan, ang aming pintuan sa lahat ng nangangailangan… May walk in tayo, anytime puwede pumunta, pumasok ang ating mga kababayan. Ito po ang aming mandato at trabaho ng ating mga social workers,” ang winika nito.

Samantala, sa panahon ng pandemiya, inakusahan ang DSWD na namamamahagi ng special amelioration program fund nito sa mga kamag-anak at supporters ng barangay at lokal na opisyal.

“Yan ang ating iniiwasan ngayon sa administrasyong ito,” ayon kay Punay sabay sabing “Kailangan ang ayuda ay mapunta lang sa taong nangangailangan, sa mahirap lang talaga.” Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here