Napauwi na ng gobyerno ng Pilipinas ang 488 overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang dependents mula Lebanon sa gitna ng mataas na tensyon sa pagitan ng Israel at Hezbollah, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) .
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na ang pamahalaan ay tumutugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong apektado ng sigalot sa Lebanon.
“Since Day 1 ano na pumutok ang hidwaan at sigalot sa pagitan ng Israel Defense Forces at Hezbollah noong Oktubre 2023, mahigit kumulang 460 OFWs from Lebanon ang nakauwi at kasama ang kanilang 28 dependents o anak, so ang kabuuang bilang ay 488 (Since Day 1 when the conflict between the Israel Defense Forces and Hezbollah began in October 2023, roughly 460 OFWs from Lebanon have returned along with 28 dependents, bringing the total to 488),” sabi ni Cacdac.
Iniulat ni Cacdac na may karagdagang 514 na OFW ang inaasahang mapauwi sa lalong madaling panahon.
Sa mga ito, 264 ang nag-book ng mga commercial flight, habang 250 ang naghihintay ng exit clearance mula sa Lebanese immigration authorities.
Samantala, kinumpirma ni Cacdac na 192 Filipino ang kasalukuyang nananatili sa mga shelter na ibinigay ng gobyerno sa buong Beirut, kasama ang mga social worker at medical worker na nagbibigay ng tulong.
Ilan lamang aniya sa pangunahing dahilan ng mga OFW sa kanilang pananatili ay ang emotional ties at kadahilanan sa pinansyal
Kinilala ni Cacdac na bagama’t nag-aatubili ang ilang employer na palayain ang mga manggagawa, matagumpay na nakipag-usap ang mga labor attaché, kasama ang mga welfare officers ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), para sa kanilang pagpapalaya sa maraming kaso.
Sinabi ni Cacdac na handa ang gobyerno na palakihin ang mga pagsisikap kung lumala ang sigalot at itataas ang Alert Level 4 o mandatory repatriation.
Bawat napauwing OFW ay makakakuha ng P150,000 sa tulong pinansyal mula DMW at OWWA pati ang psychosocial services.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)