MANILA, Philippines- Pinuri ni Senador Risa Hontiveros ang pagbasura ng korte sa petisyon ni Pastor Apollo C. Quiboloy na sumailalim siya sa house o hospital arrest sa gitna ng patong-patong na kaso ng sexual abuse, human trafficking at money laundering.
Sinabi ni Hontiveros, chairman ng Senate committee on women, youth and family relations na nag-iimbestiga sa krimen ni Quiboloy na lubhang ipinakita lamang ng korte na hindi dapat bigyan ng special treatment ang pastor.
“Pinapakita lang ng ating mga korte na walang special treatment pagdating sa kaso ni Quiboloy,” ayon kay Hontiveros.
Sinabi pa ng senador na hindi dapat paunlakan ang ganitong kahilingan ang isang akusado sa mga krimeng human trafficking, rape, child abuse, at marami pang iba.
“Inaasahan ko na hindi rin papayagan ng korte ang hiling nilang huwag dumalo sa Senate hearing next week,” aniya.
Sinabi ni Hontiveros na Senado ang unang naghain ng arrest order laban kay Quiboloy na nagtago sa loob ng compound ng Kingdom of Jesus Christ sa Davao City nang mahigit dalawang linggo.
“Senado ang unang naghain ng arrest order laban sa kanya para magpakita sa aming imbestigasyon. Ngayon at nasa kamay na siya ng awtoridad, walang rason na hindi siya sumipot,” ayon kay Hontiveros. Ernie Reyes