Home METRO Chinese suspects na namaril sa kalahi, tukoy na

Chinese suspects na namaril sa kalahi, tukoy na

143
0

MANILA, Philippines – Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up operation ang Makati City police sa dalawang suspek na bumaril at nakapatay sa kapwa nila Tsino sa isang restaurant sa lungsod Biyernes ng gabi, Oktubre 17.

Sa report na natanggap ni Southern Police District (SPD) director PBGen Bernard Yang ay napag-alamang agad na nagsagawa ng follow-up operation ang Makati City police matapos matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek na kinilalang sina alyas Zi An at isang alyas Bao Long.

Sinabi ni Yang na mabilis namang natukoy ang pangalan ng mga suspek base na rin sa positibong pagkilala sa kanila ng mga nakasaksi sa insidente ng pamamaril kabilang na dito ang live-in partner ng 29-taong-gulang na biktima.

Ayon sa live-in partner ng biktima, personal niyang kilala ang mga suspek pero hindi niya alam ang motibo ng mga ito para tapusin ang buhay kanyang kinakasama.

Sa nakalap na CCTV footage ng Makati City police sa mismong kainan, makikitang natumba pa sa pagkakaupo ang biktima dahil sa kanyang kalasingan at muling umupo na naghubad pa ng kanyang t-shirt.

Dito na makikitang bumunot na ng baril ang isa sa mga suspek na itinutok sa biktima at ilang saglit pa ang lumipas ay pinaputukan na ito ng apat nab eses na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Nakunan din ng CCTV ang pagtakas ng mga suspek lulan ng kanilang sasakyan papalayo sa lugar ng pinangyarihan ng krimen.

Sinabi ni Yang na base sa isinagawang imbestigasyon ng Makati City police, may kinalaman sa negosyo ang nakikita nilang anggulo sa pagpatay sa biktima ngunit hindi na sila nagbigay pa ng ibang detalye na makakaapekto sa kanilang isinasagawang manhunt operation.

Kasabay nito ay ipinagbigay alam na rin ng Makati City police ang pangyayari sa Chinese Embassy habang patuloy naman ang kanilang pagsasagawa ng backtracking sa nakalap na CCTV footages upang matunton ang kinaroroonang lokasyon ng mga suspek. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here