MANILA, Philippines – Tinukoy na ng mga awtoridad ang ilang “persons of interest” sa pagdukot sa isang Amerikano sa bayan ng Sibuco, Zamboanga del Norte nitong Huwebes ng gabi, Oktubre 17.
Bumuo na ang Police Regional Office 9 ng Critical Incident Management Task Group (CIMTG) para tutukan ang imbestigasyon at mabilis na pagresolba sa kaso ng pagdukot sangkot si Elliot Onil Eastman, na nakapangasawa ng isang Pinay at naninirahan sa Sibuco nang may limang buwan na.
Sinabi sa ulat ng PRO-9 na may natukoy nang persons of interest ang CIMTG, bagamat nagpapatuloy pa ang imbestigasyon para kumpirmahin ang kanilang kaugnayan o kinalaman sa ibang grupo, o kaya ay ang motibo ng pagdukot.
“We are validating leads to ensure we are tracking the right group commander and we can build an airtight case,” ayon kay P/Brig. Gen. Bowenn Joey Madaudding, task group commander.
Samantala, nagsasagawa rin ng hot pursuit operations ang police quick reaction team sa mga suspek, at ipinadala na ang karagdagang pwersa sa mga apektadong lugar.
Inatasan din ang lahat ng unit ng PNP sa Zamboanga Peninsula na maging alerto at magsagawa ng mga checkpoint.
Inalerto na rin ang mga awtoridad sa mga kalapit na probinsya.
Nakikipag-ugnayan naman ang Anti-Kidnapping Group-Mindanao Field Unit team sa pamilya ng asawa ng biktima, at kinumpirma na wala pa ring kumukontak sa kanila mula sa mga dumukot. RNT/JGC