MANILA, Philippines- Pinawalang-sala ng Sandiganbayan ang dating postmaster general ng Philippine Postal Corp. (PHLPost) na si Maria Josefina Dela Cruz sa kasong katiwalian dahil sa pagtatalaga ng hindi tamang tao sa posisyon sa Philpost.
Sa 38 pahinang desisyon ng Special Fifth Division, hindi sapat ang ipinakitang mga ebidensya ng prosekusyon upang mahatulang guilty si Dela Cruz sa dalawang bilang ng kasong graft at dalawang bilang ng kasong unlawful appointment batay sa reklamo ng Office of the Ombudsman.
Si Dela Cruz ay inakusahan na nagbigay ng hindi karapat-dapat na kagustuhan o ‘unwarranted benefit’ kay Esther Cabigao nang italaga bilang PhilPost Director III noong September 2011 at Department Manager III noong November 2013.
Ayon sa Ombudsman, itinalaga si Cabigao sa kabila ng kakulangan nito ng kinakailangan na edukasyon, training at kasanayan para hawakan ang mga nabangit na posisyon.
Ginamit ng Ombudsman ang mga inisyu na memoranda at resolutions mula sa Civil Service Commission na nagsasabi na kailangan ng Master’s degree, 120 hours na managerial training at limang taon na supervisory experience para makamit ang posisyon bilang director.
Gayunman, sinabi ng Sandiganbayan na kulang sa batayan ang alegasyong mayroong ibang mas kwalipikado na aplikante sa director position.
Walang inilabas na ebidensya ang prosecution na mayroong ‘qualified applicant’ maliban kay Cabigao.
Iginiit ng Special Fifth Division na mahalagang mapunan agad ang naturang pwesto dahil sa ipinatutupad na rationalization program ng PHLPost.
“Work at the Human Resource Management Department needed a responsible official to do the manager’s job. Otherwise, work would have been in limbo or worse, grinded to a halt. “
Nabigo ang prosekusyon na patunayan na nagpakita ng pagkiling at pagpapabaya si Dela Cruz. Nagtiwala lamang aniya ito sa rekomendasyon ng dalawang screening committees/departments para ipatupad ang rationalization plan.
Ipinag-utos ng Special Fifth Division na maibalik sa akusado ang bail bond nito at ang pagpapawalang-bisa sa Hold Departure Order laban kay Dela Cruz. Teresa Tavares