TAIWAN – Inanunsyo ng mga awtoridad sa China na magsasagawa sila ng live firing exercise sa Taiwan Strait ngayong Martes, Oktubre 22.
Ito ay ilang araw matapos ang pagdaan ng US at Canadian warships sa lugar, kasunod ng military drills ng Beijing.
Inanunsyo ng Maritime Safety Administration (MSA) sa southeastern city ng Pingtan nitong Lunes, ang “gun firing” na mangyayari sa limitadong lugar malapit sa Chinese mainland coast at nasa 105 kilometro mula sa Taiwan.
Partikular na sinabi ng MSA na ipinagbabawal ang mga barko na dumaan sa lugar ng live firing sa loob ng apat na oras, o mula alas-9 ng umaga.
Hindi naman sinabi kung anong Chinese force ang magsasagawa ng live firing, o ano ang layunin nito.
Ang Pingtan ang pinakamalapit na lugar ng mainland China sa Taiwan.
Matatandaan na nitong Linggo ay dumaan ang isang US at Canadian warship sa 180-kilometre (112-mile) Taiwan Strait, bilang bahagi ng regular na pagdaan ng Washington at mga ka-alyado nito para paigtingin ang status nito bilang isang international waterway, bagay na nagdudulot naman ng galit sa China. RNT/JGC