MANILA, Philippines – Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang publiko sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo, partikular sa mga rehiyon tulad ng Bicol, na unahin ang kanilang kaligtasan at makipagtulungan sa mga awtoridad habang patuloy na namiminsala ang Severe Tropical Storm Kristine (international name: Trami) na nagdulot ng malawakang pagbah at nag-iwan ng patay.
Binigyang-diin ni Go na mahalaga na maging alerto at ang pagsunod sa mga payo ng gobyerno habang pinaiigting ang search and rescue operations sa mga lugar na pinakamatinding tinamaan ng kalamidad.
“Sa mga kababayan nating nasa mga apektadong lugar, mag-ingat po tayo at makinig sa mga babala ng mga awtoridad. Mahalaga na maging alerto at sumunod sa mga evacuation orders para maiwasan ang kapahamakan,” sabi ni Go..
Nilubog ng bagyong Kristine ang maraming nayon sa rehiyon ng Bicol, libu-libo ang lumikas at nawasak na mga kalsada sa ilang komunidad.
Nitong Huwebes ng umaga, hindi bababa sa 20 ang iniulat na namatay, kasama ang mga biktima mula sa Naga City, Catanduanes, Albay, at iba pang mga lalawigan sa rehiyon.
Marami sa pagkamatay ay sanhi ng pagkalunod o pagguho ng lupa na dulot ng bagyo.
Patuloy na kumikilos ang mga rescue team at ang Philippine National Police (PNP), para tulungan ang mga stranded na residente. Dahil sa matinding pagbaha, lalo sa Naga City at sa bayan ng Nabua, naging mahirap ang rescue operations, kung saan marami pa rin ang na-trap sa mga rooftop na naghihintay ng paglikas.
Habang patuloy na kumikilos ang bagyo pakanluran, ipinaalala ni Go sa publiko na maging maagap sa pag-iingat sa kanilang mga tahanan at tiyaking mayroon silang mahahalagang suplay na nakahanda sakaling magkaroon ng pagkawala ng kuryente o pagbaha.
“Mahalaga po na laging handa. Kung maaari, mag-imbak ng pagkain, tubig, at iba pang pangangailangan para hindi maipit sa oras ng emergency,” dagdag ni Go.
Hinikayat niya ang mga nasa hindi gaanong apektadong lugar na mag-abot ng tulong sa kanilang mga kababayan at magboluntaryo sa relief efforts.
“Sa ganitong panahon, ang bayanihan at pagmamalasakit sa kapwa ang ating pinakamalakas na sandata. Kung kaya nating tumulong sa iba, gawin natin,” sabi ni Go.
“Kaligtasan po muna bago ang lahat. Mag-ingat at magdasal tayo. Pahalagahan natin ang buhay ng bawat isa,” ayon sa senador. RNT