Home NATIONWIDE Relief ops prayoridad sa mga pantalan

Relief ops prayoridad sa mga pantalan

100
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Philippine Ports Authority (PPA) na prayoridad sa pantalan ang relief operations ng pamahalaan.

Sa direktiba ni PPA General Manager Jay Santiago, inatasan ang lahat ng mga port manager sa buong bansa na tiyaking mabigyan ng prayoridad ang power restoration team at lahat ng mga government delivery truck na papasok at lalabas ng mga pantalan.

Pinatitiyak din ni GM Santiago na walang mangyayaring delay at magiging mabilis ang pagproseso sa pagsasakay ng mga government delivery truck sa mga barko para maihatid ang mga kinakailangang supply sa mga lubos na nangangailangan ngayong mayroong kalamidad.

Kasabay din nito ang paglalaan ng tatlong truck space sa mga commercial vessel na maglalayag mula sa Matnog Port patungo sa Allen Port at vice cersa.

Inatasan din ni GM Santiago ang lahat ng mga port manager na magbigay ng direktiba sa mga pribadong pantalan na nasa ilalim ng hurisdiksyon nito na maipatupad ang mga kaparehong hakbang. Ipatutupad ang mahigpit na monitoring sa pagsunod dito upang matiyak na walang lalabag.

Ang lahat ng mga empleyado ng PPA partikular sa Bicol at Batangas ay pinasalamatan din ni GM Santiago dahil sa kanilang sakripisyo para makapaghatid ng serbisyo kahit apektado rin ng matinding buhos ng ulan at baha na dala ng bagyong Kristine.

Batay sa datos ng PPA nitong alas-6:00 ng umaga Oktubre 25, 2024 ay maryoon pang 7,520 na mga pasahero ang stranded sa iba’t ibang mga pantalan. Pinakamarami sa Bicol na mayroong 3,312 stranded passengers, Eastern Leyte/Samar na may 2,867, at Panay/Guimaras na 302.

Upang matulungan ang mga pasahero na apektado ng kanselasyon ng mga biyahe ng barko, nagpapatuloy ang PPA sa pagbibigay ng libreng pagkain gaya ng lugaw at iba pang relief food pack katuwang ang local government unit (LGU) at Department of Soacial Welfare and Development (DSWD).

Bukod sa libreng pagkain, mayroon libreng water refilling stations, charging stations, at nakaantabay na mga PPA personnel sa mga Passenger Help Desk, para makapagbigay ng agarang tulong sa mga nangangailangang pasahero.

Nagpaalala ang PPA sa mga pasahero o planong bumiyahe na tiyakin sa mga shipping line kung tuloy na ang kanilang biyahe o nananatili itong kanselado ang kanilang biyahe. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here